Kulang sa koordinasyon kaya nagkasagupaan ang mga tropa ng 85th Infantry Battalion (IB) at 59th IB nitong Miyerkules ng madaling araw sa Sitio Matingan-tingan, Barangay Casay, San Francisco, Quezon.
Ayon kay 2nd Infantry Division spokesperson Capt. Patrick Jay Retumban, kapwa nagsasagawa ng combat patrols ang isang squad ng tropa mula sa 85th IB at isang squad ng Citizen Armed Force Geographical Unit mula sa 59th IB nang magkaputukan ang dalawang friendly forces.
Resulta nito ang pagkamatay ni PFC Arvin Peñaredonda mula sa 85th IB na tinamaan ng bala sa pelvic bones nito.
Sinabi ni Retumban, segundo lamang ang bakbakan dahil nabatid ng mga tropa na mga puwersa din ng gobyerno ang kanilang kalaban.
Sa ngayon nagpapatuloy ang imbestigasyon kaugnay sa insidente at kung sino ang may pananagutan sa mga sangkot na tropa.