Tiniyak ng Malacañang na hindi hahayaan ng Duterte administration na maulit ang sinasabing pagkakamali noon sa Dengvaxia anti-dengue vaccines gaya ng umano’y mishandling at pagmamadali na gamitin ito.
Ginawa ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ang pahayag kasunod ng panukalang muling ikonsidera ng pamahalaan ang paggamit ng Dengvaxia sa gitna ng lumu-lobong kaso ng dengue sa bansa.
Sinabi ni Sec. Panelo, bukas ang pamahalaan sa lahat ng paraan na mapababa ang dengue cases sa bansa kabilang ang paggamit ng Dengvaxia.
Pero ayon kay Sec. Panelo, kailangan umano ng ibayong pag-iingat kung gagawin ito gaya ng pagkonsidera sa opinyon ng World Health Organization (WHO) na dapat lang itong ibigay sa mga indibidwal na una nang nagkasakit ng dengue.
Bagama’t wala pang pinal na desisyon kaugnay dito, sinabi ni Sec. Panelo na marapat lang na isantabi ang pulitika kapag kalusugan na ng mga mamamayan ang pinag-uusapan.