KALIBO, Aklan — Isang misis at kalaguyo nito ang dinakip ng mga tauhan ng pulisya hapon ng Huwebes, Enero 4, 2024 sa Kalibo, Aklan.
Hindi na pinangalanan ng pulisya ang misis, kalaguyo nito at ang biktimang mister na pawang residente sa nasabing bayan.
Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Alicia Cruz-Barrios ng Kalibo Municipal Trial Court, inaresto ang babae na may legal na asawa at ang kanyang lover na isang binata sa kasong adultery.
Lumilitaw sa inisyal na imbestigasyon, nakatanggap ng impormasyon ang mister na magkalaguyo ang dalawa nang mahuli sa akto ang mga ito na nagtatalik habang naka-quarantine noong Hulyo 2022 sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Dito na natuklasan ng mister ang pagtaksil ng kanyang misis.
Minabuti umano ng mister na sa halip na maghiganti ay nagpasya itong magsampa na lamang ng kaukulang kaso.
Nasa P10,000 ang itinakdang piyansa ng korte para sa kanilang pansamantalang kalayaan.
Kasalukuyang nakakulong ang mga ito sa lock-up cell ng Kalibo Municipal Police Station.