KALIBO, Aklan — Binawian ng buhay habang ginagamot sa ospital ang isang misis matapos na barilin ng kanyang mister kasunod ng mainitang pagtatalo sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Cubay Sur, Malay, Aklan.
Ang biktima na nasa kritikal na kundisyong isinugod sa Aklan Provincial Hospital ay kinilalang si Clarife Vicente, 28, na nagtamo ng tama ng bala sa itaas na bahagi ng kamay, ngunit tumagos sa kanyang tiyan.
Agad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang pulisya, subalit hanggang sa kasalukuyan ay nananatiling at-large ang suspek na si Kenneth Vicente, 31, kapwa miyembro ng Indigenous People o katutubong Aeta sa nasabing bayan.
Ayon kay P/Major Val delos Santos, deputy chief of police ng Malay Municipal Police Station na bago nangyari ang pamamaril ay nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang mag-asawa sa hindi malamang dahilan kung saan lasing umano ang mister.
Sa kalagitnaan ng pagtatalo ay nairita na ang mister at kinuha ang kanyang dalang baril at pinaputukan ang kanyang misis.
Patuloy pang iniimbestigahan ang pangyayari lalo na ang motibo sa krimen at posibleng kinaroroonan ng suspek.
Kahit umano ang kanilang chieftain ay nananawagan sa suspek na sumuko upang maipaliwanag ang totoong nangyari.