-- Advertisements --

ROXAS CITY – Mistulang isang eksena sa pelikula ang nasilayan sa isang lodging house sa Roxas City matapos mahuli ng isang babae ang kaniyang mister doon kasama ang kaniyang “kumare.”

Sa panayam ng Bombo Radyo sa roomboy ng naturang lodging house, inihayag nito na nagpaumaga sa naturang lugar ang misis na si alyas “Bea” kasama ang limang taong gulang na anak dahil sa kaniyang hinala na nasa loob ang mister nitong si alyas “Gerald.”

Nagtamang-hinala naman si alyas “Bea” dahil kinaumagahan ay nakita nito ang mister na lumabas kung kaya’t sinugod niya ito at sinuntok.

Ayon pa sa roomboy, maging ang ibang customers sa naturang lodging house ay nabulabog na rin sa away ng mag-asawa kung kaya’t minabuti na lamang nilang tumawag ng pulis.

Sa kagustuhan ni alyas Bea na makita kung sino ang magdamag na kasiping ng kaniyang mister ay nagsabi ito sa mga pulis na puntahan ang kwartong kanilang inokupa.

Sa pagbukas ng mga otoridad sa kuwarto, wala na umano ang babae ngunit sa patuloy na paghahanap ay nakita itong nakatago malapit sa fire exit at nagulat si alyas Bea nang makitang si alyas Julia pala ito na kaniyang kumare.

Kaagad na dinala sa Roxas City Police Station ang mag-asawa upang makapag-usap at dito ay kanilang napagdesisyunang maghiwalay na lamang.