CAUAYAN CITY- Determinado ang ama ng magsasakang nasaksak at napatay ng kanyang misis sa barangay Calimaturod, Cordon, Isabela na magsampa ng kasong pagpatay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni G. Juanito de Guzman, ama ng biktimang si Freddie de Guzman na dapat pagdusahan ng suspek na si Elena ang pagpatay sa kanyang anak.
Sila umano ang kakalinga sa dalawang anak ng mag-asawa habang pinagsisilbihan ni Elena ang pagkakulong.
Itinanggi rin ni G. de Guzman na nagbanta siyang ipapatay ang anak ni Elena sa naunang nakarelasyon bago sila nagsama ni Freddie.
Unang sinabi ni Elena na hindi niya sinasadyang napatay ang kanyang mister na nanakit sa kanya at nagtangkang saksakin siya ngunit naagaw ang kutsilyo na naisaksak niya sa dibdib ng biktima.