LA UNION – Nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng kapulisan laban sa misis na nahaharap sa patong-patong na kaso sa La Union.
Kung maalala, hinuli ng pinagsamang puwersa ng Rosario Police, CIDG-La Union, at Candon City Police ang suspek na si Analyn Ducusin, 40, na nahaharap sa kasong estafa, syndicated at large scale illegal recruitment ay kabilang sa No. 2 Wanted Person ng Municipal/City Level sa Candon City, Ilocos Sur matapos na isilbi ang warrant of arrest sa tahanan nito sa Barangay Tay-ac, Rosario, sa lalawigan.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo La Union sa CIDG, kabilang ang suspek sa malaking grupo ng syndicated illegal recruiters na nago-operate sa Luzon kung saan aabot sa P1 milyon ang nakukulimbat nito mula sa kanyang biktima.
Napag-alaman na nare-recruite ng suspek ang mga biktima nito na gustong pumunta ng Japan para magtrabaho.
Maliban sa apat na warrant of arrest na naisilbi sa suspek, may karagdagang pang 16 na ihihahandang warrant laban sa kanya na magmumula sa Candon, Sta. Cruz sa lalawigan ng Ilocos Sur, Zambales,at Marikina City na may kaugnayan sa kasong illegal recruitment.
Samantala, nasa kustodiya pa rin ng CIDG ang suspek habang pinaghahanap ng mga ito ang grupong kinasangkutan nito.