-- Advertisements --

Ikinababahala ng misis ng naarestong Chinese na pinaniniwalaang sleeper agent ang epekto ng pagtawag sa kaniyang mister bilang spy at sa kanilang anak.

Kwento ni Noemi Yuanqing, binubully na ang kaniyang anak sa loob ng eskwelahan kasunod na rin ng pagtukoy ng law enforcement agencies sa kaniyang mister na kinilalang si Deng Yuanqing bilang isang spy.

Ayon pa kay Noemi, maliban sa verbal bullying na dinaranas ng 8-anyos na anak ay sinaktan din umano siya ng ilan sa kaniyang mga kaklase.

Muling iginiit ni Noemi na ang kaniyang mister ay sampung taon nang naninirahan sa Pilipinas at nagtatrabaho para sa isang self-driving car technology sa pamamagitan ng pag-survey sa mga kalsada.

Wala din aniyang link o kaugnayan ang kaniyang mister sa anumang espionage activities at hindi naniniktik sa bansa.

Una nang pinanindigan ng National Bureau of Investigation (NBI) na ang grupo ni Yuanqing ay nakapaglibot na sa iba’t-ibang military facilities at military camp sa bansa upang makapagsagawa ng iba’t-ibang espionage activites.

Kabilang dito ang mga military camp, seaport, airport, at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites.