Ibinunyag ng asawa ni suspended PBA player Calvin Abueva na si Sam ang umano’y pang-aabusong ginagawa ng mister nito sa kanya at sa kanilang mga anak.
Sa pamamagitan ng Instagram account ni Calvin na @calvinabuevaofficial, ipinost ni Sam ang screenshots ng CCTV footage sa umano’y ginagawang pagmamalabis ng PBA player at doon rin nito sinasagot ang tanong ng mga followers hinggil sa isyu.
Nag-live din ito sa social media upang ibahagi ang kanyang mga karanasan.
“Last year, 2018, January tumakas kami ng mga anak ko sa kanya kasi sobra na ‘yung threat na ginagawa niya sakin, sasaksakin na niya ako, babarilin na niya ako,” wika ni Sam.
“‘Yung mga CCTV na ‘yun ang pananakit ni Calvin na hindi niyo masisikmura kung paano niya ako saktan at kung paano niya saktan ang mga anak namin,” dagdag nito.
Sinabi rin ni Sam, nagkaroon daw sila ng malalang away ni Calvin nitong buwan na nauwi sa pagkakasugod sa kanya sa ospital.
“July 10 nag-spotting ako kasi lasing siya, dinaganan niya ang tiyan ko, na-ospital ako noon. July 8 pinipilit niya akong galawin, dinudugo ako sabi ko hindi pwede kasi makukunan ako ayaw kong mawalan ng anak,” ani Sam.
Aniya, hindi na raw niya makayanan ang pananahimik lalo pa’t nadadamay na raw ang kanilang mga anak.
“Kaya lang naman ako nagkaganito dahil ‘yung anak na nakakita ng lahat ng ginagawa niyan, ito ‘yung madaling araw gumising,” wika nito. “Nanginginig siya gusto niyang yakapin ko siya ng mahigpit, pinapabuksan niya sa akin ‘yung ilaw kasi natatakot siya sa Daddy niya, nandoon na kami sa punto na ganoon.”
Hinamon din nito sa Calvin na patunayan ang paratang na may kalaguyo raw ito at inihayag na ang Kapampangan cager pa nga raw ang nagtatago sa dalawang babaeng umano’y nabuntis nito.
“Sinabi mo last year na nanlalaki ako, Calvin? Sige nga, patunayan mo. Patunayan mo lahat ‘yan,” saad nito.
“Dalawa ‘yung nabuntis mong babae, Calvin. Nasaan? Pinanagutan mo? Hindi, ‘di ba? Hinahabol ka, Tinataguan mo. Tinanggap kita December, nagmamakawa ka sabi mo magbabago ka na tinanggap kita pero anong ginawa mo, gusto mo pa rin akong sirain.”
Pinabulaanan naman ni Calvin ang mga paratang ng kanyang kabiyak.
“Sa mga followers ko doon sa lumang IG ko ‘wag kayong maniwala doon kasi hiwalay na po kami at wala na po akong communication doon at siya na po ang humahawak ng old IG ko,” saad nito. “Lahat ng mga nandoon is kababalaghan at walang katotohanan.”
Humingi rin ng paumanhin si Calvin sa mga nadawit sa isyu nilang mag-asawa.
“Sa lahat ng mga fans ko na nadamay, lalo na sa family ko, at ah… nanggigigil ako. Sorry, sorry. Pero, actually, nakakagigil. Nakakagigil,” anang basketbolista.