Kinumpirma ni Bureau of Immigration spokesperson Dana Sandoval na nakaalis na ng Pilipinas ang misis ni dating Presidential spokesperon Atty. Harry Roque na si Mylah Roque noon pang unang bahagi ng Setyembre.
Kasalukuyan ngang may contempt at arrest order mula sa House Quad Committee si Mylah Roque matapos ilang beses na isnabin ang imbitasyon ng komite para dumalo sa imbestigasyon kaugnay sa mga krimen may kinalaman sa POGO at nasa immigration lookout bulletin na din siya na inilabas noong Setyembre 16.
Subalit kapag ang isang indibidwal ay nasa lookout bulletin, inaatasan lamang ang immigration personnel na subaybayan ang galaw ng naturang indibidwal sa loob at labas ng bansa. Napigilan sana ang pag-alis ni Mrs. Roque kung may hold-departure order na tanging ang korte lamang ang maaaring mag-isyu. Subalit bukod sa House arrest warrant, walang kinakaharap si Mylah Roque na reklamong administratibo o kriminal sa korte.
Samantala, nauna naman ng sinabi ni Santa Rosa, Laguna Rep. Dan Fernandez noong Lunes na nakatanggap siya ng impormasyon na si Mrs. Roque ay nasa isang bansa sa Asya na posibleng sa Singapore o Malaysia.
Matatandaan na si Mylah Roque ay dating trustee ng Pag-IBIG Fund. Nadawit ang kaniyang pangalan sa ilegal na operasyon ng POGO dahil sa partisipasyon niya sa paglagda ng isang lease agreement sa Chinese nationals na nangupahan sa kanilang bahay sa Tuba, Benguet kabilang ang puganteng Chinese at nasa red notice ng Interpol na si Sun Liming na sinasabing konektado sa sinalakay na POGO sa Porac, Pampanga.