-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Patay ang isang misis matapos saksakin sa leeg ng kanyang asawa dahil umano sa selos sa Aeta community sa Barangay Bulwang, Numancia, Aklan.

Kinilala ni S/Sgt. Felizardo Navarra Jr. ng Numancia Municipal Police Station ang biktima na si Lovely Suares, 37, habang ang suspek ay si Andres Suares Jr., 39, kapwa miyembro ng katutubong Aeta, tubong Barangay Angare, Dueñas, Iloilo at kasalukuyang naninirahan sa naturang lugar.

Nangyari umano ang insidente habang nag-iinuman ang mag-asawa kasama ang iba pang mga Aeta nang magbiro ang misis na mayroon itong kabit.

Gumanti rin umano ng biro ang mister at sinabing mayroon din siyang ibang babae, subalit bigla lamang itong bumunot ng kutsilyo at sinaksak sa leeg ang misis.

Agad na humingi ng saklolo ang mga kasamahan, ngunit wala nang buhay ang biktima.

Sa kabilang dako, aminado ang mister sa kanyang ginawang krimen at humingi ng tawad.

Agad itong naaresto ng mga rumespondeng pulis.

Lumabas sa imbestigasyon na selos ang pinag-ugatan ng pananaksak dahil ayon sa suspek, palagi siyang pinaghihinalaan ng kanyang misis na may ibang karelasyon.

Na-inquest na ang suspek na nahaharap sa kasong parricide.