BACOLOD CITY – Inihahanda na ng mga pulis ang kasong isasampa laban sa mister na magmartilyo sa kanyang misis hanggang mamatay sa Kabankalan City, Negros Occidental.
Ang biktima ay kinilalang si Delbeth Laurente, 40-anyos, samantalang ang suspek naman ay kinilalang si Saler Laurente, 44-anyos, kapwa mga residente ng Sitio Lucay Dos, Barangay Camingawan, Kabankalan City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Police Lt. Jomel Salarda, deputy chief ng Kabankalan City Police Station, nagising na lamang ang mga anak na duguan ang kanilang ina habang umiiyak naman sa labas ng bahay ang kanilang ama.
Dinala ni Saler ang kanyang mga anak sa bahay ng kanyang kapatid na babae at doon ito nagsumbong na kanyang napatay ang misis sa pamamagitan ng paghampas ng martilyo sa kanyang ulo.
Sa tulong ng mga barangay tanod, naturn-over sa Kabankalan City Police Station ang suspek.
Bago ang insidente ayon sa pulis, nagseselos si Saler dahil naniniwala ito na may ibang lalaki ang kanyang misis.
Nitong nakaraang araw, iginiit ng suspek na may lalaking naghihintay sa labas ng kanilang bahay na itinanggi naman ng biktima.
Ayon sa kanilang mga anak, ilang araw nang hindi kumakain ang kanilang ama at palaging umiinom ng alak.
Sa ngayon, inihahanda na ng mga pulis ang kasong parricide na isasampa laban sa suspek.