-- Advertisements --

VIGAN CITY – Tiniyak ni Narvacan Mayor-elect Luis “Chavit” Singson na isa sa mga common tower na gagamitin ng ikatlong telecommunication company na Mislatel Consortium ay ipapatayo sa Ilocos Sur.

Ito’y matapos linawin ni Singson sa Bombo Radyo Vigan na susuportahan na nito ang Mislatel kahit na ang nasabing kompanya ang nanalo sa bidding noong nakaraang taon para sa ikatlong telco player sa bansa, kung saan natalo ang LCS Group of Companies at Sear Consortium ng dating Ilocos Sur governor.

Aniya, pinaunlakan nito ang pakiusap sa kaniya ng Mislatel na kung maaari ay tumulong ito sa pagpapatayo ng mga kailangan nilang pasilidad upang maging tuloy-tuloy na ngayong taon ang initial operation nito.

Kung maaalala, nagbanta noon si Singson na kakasuhan nito ang Mislatel matapos silang makipag-bid kahit na mayroong pinirmahang exclusivity contract noong nakaraang taon ang napiling ikatlong telco player sa kompanya ng dating gobernador.