-- Advertisements --

Sinisi ni Defense Seretary Delfin Lorenzana ang dating administrasyon sa umano’y mismanagement o hindi maayos na paghawak sa isyu sa West Philippine Sea (WPS).

Sinabi ni Lorenzana, noong mag-assume sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte, kanilang dinatnan na bino-boycot ng China ang mga produkto galing Pilipinas, gayundin ang pagkakaroon ng maliit ang bilang ng mga Chinese tourist na nagtutungo dito sa bansa, at hindi makakapangisda ang mga Pilipino sa may bahagi ng Scarborough Shoal dahil hinaharas.

Pero ngayon, ipinagmalaki ni Lorenzana na nakakapag-export na ng saging ang Pilipinas sa China, dumoble na rin ang bilang ng mga Chinese tourists sa bansa, malaya na ring nakakapangisda ang mga Pilipino sa Scarborough Shoal at hindi na rin hinaharas ang mga sundalong Pinoy.

Pero taliwas ito sa naging pahayag ni Magdalo Representative Gary Alejano na patuloy na hina-harass ng Chinese Coast Guard ang mga sundalong Pinoy na nagsasagawa ng resupply sa Ayungin Shoal.

Ayon kay Lorenzana, ang nasabing ulat ay isolated case lamang.

Pinaiimbestigahan na rin ni Lorenzana ang report kaugnay sa ulat sa sapilitang pagkuha ng Chinese Coast Guard sa mga nabingwit na isda ng mga Pilipino sa Zambales.

“We have managed it very well through the President’s leadership, ang nag mis manage yung previous administration dahil nagkakagulo rito dahil mis manage,” pahayag ni Lorenzana.