-- Advertisements --

Tiniyak ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) na walang nangyayaring water crisis sa Metro Manila.

Ito’y kasunod sa nararanasang water shortage ngayon sa nasabing lugar at sa mga kalapit na probinsya.

Ayon kay NDRRMC executive director USec. Ricardo Jalad, ang nakikita nila sa ngayon ay ang maling pamamalakad dahilan sa nararanasang kakulangan ng supply ng tubig.

Sinabi ni Jalad na tumaas ang consumer demand ngayon ng Manila waters mula sa 1,600 million liters per day tumaas na ito ngayon sa 1,750 million liters per day.

Dahil sa problema sa supply ng tubig, mag-uusap ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) kasama ang Manila Water at Maynilad para sa gagawing hakbang para maibsan ang kawalan ng tubig.

Sa Angat Dam nagmumula ang nasa higit 90 percent supply ng tubig sa Metro Manila.

Nasa 4,000 million liters per day ang inilalabas na tubig ng Angat Dam.

Nilinaw naman ni Jalad na hindi main source ng tubig ang La Mesa Dam.

“Ang tubig natin ay nanggagaling talaga sa Angat Dam patungo sa distribution lines ng MWSS at patungo din sa apat na water treatment plant ng Maynilad at Manila Water, so yung sobrang tubig lalo na kung nag ulan kelangan talaga maglabas ng tubig so ang sobrang tubig ay napupunta sa La Mesa Dam bagamat may kuneksiyon ito sa Balara water treatment plant,” paliwanag ni Jalad.