Wala pa man ang coronation night, itinataas na ni Pinay beauty queen Yllana Aduana ang bandera ng Pilipinas, matapos masungkit ang ilang puwesto sa mga pre-coronation challanges sa Miss Earth 2023.
Nakapasok si Yllana sa top 8 sa unang round ng kategorya ng “Best Bikini,” kung saan ang mga kandidata na napabilang sa Top 8 para sa naturang kategorya ay magkakaroon ng double-point advantage sa loob ng isang araw na botohan para sa second round.
Sinala ang top 8 ng “Best Bikini” sa tig-dalawang mga kandidata mula Asia & Oceana, Americas, Africa, at Europe. Kabilang sa mga may double-digit advantage ang mga kandidata mula Vietnam, Venezuela, Paraguay, Madagascar, Zimbabwe, Bulgaria, at Netherlands.
Kasalukuyang ginaganap ang botohan para sa second round na nagsimula kahapon, December 17.
Lumalaban din si Yllana sa para sa “Miss People’s Choice.” Nasa ika-limang puwesto ang representante ng Pilipinas base sa huling post ng Miss Earth Organization. Nangunguna naman ang pambato ng France, na sinundan ng mga kandidata mula Mongolia, Belgium, at U.S. Virgin Islands.
Maaari pang bumuto para sa “Miss People’s Choice,” hanggang December 22, 7:00 PM.
Angat din sa rampahan sa National Costume sa Preliminary Rounds ang 25-year-old na kandidata, suot ang costume na hango kay Maria Makiling, bilang pagbibigay-pugay sa lalawigan ng Laguna, kung saan siya nakatira.
Gawa sa recycled materials ang naturang costume, bilang pagsasabuhay sa ng adbokasiya ng Miss Earth na sumisentro sa kaalaman patungkol sa pag-aalaga sa kalikasan.
Si Patrick Isorena ang nagdisenyo ng national costume ni Yllana, na siya rin gumawa ng national costume ni Filipino-American Miss Unniverse 2022 winner R’Bonney Gabriel mula U.S.A.
85 na mga kandidata ang maglalaban-laban para sa korona ng Miss Earth 2023, na siya namang kokoronahan ni Miss Earth 2022 Mina Sue Choi mula South Korea.
Gaganapin ang coronation night sa December 22, 2023 sa Saigon Exhibition and Convention Center, Vietnam.
Photo courtesy from Miss Earth’s official social media page.