-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Lubos ang pasasalamat ni Miss Earth-Water 2020 Roxanne Allison Baeyens sa lahat ng sumuporta sa kanyang Miss Earth journey.

Pangunahing pinasalamatan ng Igorota beauty ang Miss Earth Organization na tumulong aniya sa pagdiskobre sa kanyang totoong pagkatao.

Nagpasalamat din ang pambato ng bansa mula Baguio City sa Team Philippines at sa lahat ng naniwalang makakamit niya ang tagumpay.

Una nang ipinagmalaki ni Roxie ang inirampa nitong gown sa virtual coronation night ng pageant nitong weeken na tinawag nitong “highland maiden.”

Inspired o hango ito sa majestic na rice terraces ng Cordillera at sumisimbolo sa “harmony” sa pagitan ng mga tao at ng kapaligiran.

Ayon pa kay Roxie, ang bodice o ibabaw na disensyo ng gown ay nagpapakita sa mga rice field o taniman ng palay sa lalawigan ng Ifugao habang ang skirt ay kumakatawan naman sa mga kabundukan.

Nabatid na maliban pa sa abot-kamay na sanang panglimang Miss Earth crown sa bansa, nasungkit din ni Baeyens ang Jewel Beauty Strong Earth ambassador award, gayundin ang Darling of the Press, at Eco-Video award.