-- Advertisements --

Kaagad nag-check in sa kanyang quarantine hotel si Kelley Day ngayong “home sweet home” na sa Pilipinas matapos lumaban sa Miss Eco International sa Egypt.

Nabatid na agad siyang nag-book ng pinaka-maagang available flight mula Egypt matapos magnegatibo sa Coronavirus Disease (COVID).

Kahapon nang makabalik sa bansa ang 24-year old Tarlac beauty at tatapusin ang pitong araw na quarantine bago muling magpapa-swab test.

Nakakatanggap aniya siya ng maraming “well wishes” pero tumanggi nang magkomento hinggil sa kontrobersyang bumalot sa Miss Eco International kung saan naging usap-usapan na ilang kandidata umano ang nagpositibo sa COVID-19 kaya tila na-stranded pa sa Egypt.

“I’m finally back home in manila, and I’m really happy to be back,” saad ni Day.

Kung maaalala, nasungkit ng dating GirlTrends member ang first runner-up sa Miss Eco International at siya ring tinanghal na Best in National Costume.

Kinoronahan namang Miss Eco-International ang Miss South Africa, habang ang iba pang runner-ups ay mula sa Venezuela, United States at Costa Rica.

Sa ngayon ay may isa pa lamang na Miss Eco-International ang Pilipinas sa pamamagitan ni Thia Thomalia noong 2018.

Noong nakaraang taong nang dalawang beses na-postpone ang Miss Eco International dahil sa pandemya.

Sa pagtungo sa Egypt noong nakaraang buwan, nilinaw ng aktres at dating miyembro ng GirlTrends na wala naman siyang pangamba dahil mahigpit na ipinapatupad ang safety protocols at bawal din silang mamasyal pa.

Ayon naman sa Miss World Philippines organizer na si Arnold Vegafria, mababa na ang kaso ng coronavirus sa Egypt at hindi na raw nagsusuot ng face mask ang ilan doon.