-- Advertisements --

Muling nag-standout ang pambato ng Pilipinas sa Miss Grand International na si Samantha Panlilio, isang araw na lamang bago ang coronation.

Sa preliminaries kasi kagabi, nagpabilib ito sa long gown competition kung saan inirampa nito ang gown na puno ng makinang na disenyo at ginulat pa ang audience nang ihulog nito mula sa kanyang likod ang manipis na kapa.

Binansagan ang naturang gown bilang “Layag Balangay” na hinango sa seafaring vessel sa bansa na gawa sa kahoy.

“The bodice is fully bejeweled with Caribbean Blue opal rhinestones, glass beads, oversized Austrian Swarovski crystals. This piece is a perfect way to reawaken Filipino pride in a forgotten heritage of the ancient Filipino ingenuity,” paglalarawan ng designer na si Rian Fernandez.

Nakipagtalbugan din si Samantha sa swimsuit round suot ang kulay asul na body suit at napabilang sa Top 5 ng Best in Swimsuit fan vote round kasama ang Miss Vietnam, Cambodia, Indonesia, at Guatemala.

Samantala, pasok na si Sam sa Top 10 ng Best in National Costume kasunod ng kanyang “butterfly” performance.

Sam Panlilio Top 10 national costume

Kung maaalala, suot niya ang hand-beaded golden outfit at leg straps na siyang pares ng dambuhalang kulay puting pakpak at headdress.

Gawa ito ng mga Pinoy designers na sina Louis Pangilinan at Santino Rivera na hinango sa Paruparo Festival sa Dasmariñas, Cavite.

Ang 25-anyos na si Samantha ay isinilang sa Pilipinas pero sa Amerika pansamantalang nanirahan habang nag-aaral.

Tatangkaing masungkit ni Panlilio ang unang Miss Grand International crown ng bansa sa grand coronation bukas sa Thailand.

View Post

Kung maaalala, abot kamay na ng kanyang predecessor na si Samantha Bernardo ang Miss Grand International 2020 title sa pagiging first runner-up.