Habambuhay nang mananatili sa puso at isip ni Gazini Ganados ang minsang pagrampa niya sa Miss Philippines sash sa Miss Universe 2019.
Pahayag ito ng Fil-Palestinian beauty kasabay ng kanyang pag-alala sa unang taong anibersaryo kung saan kanyang sinubukan na maibigay sa bansa ang back-to-back win sunod kay Catriona Magnayon Gray.
Gayunman, nagtapos lamang ito sa Top 20 ng Miss Universe noong nakaraang taon habang big winner ang Miss South Africa sa katauhan ni Zozibini Tunzi.
Nananatili naman ang advocacy ni Ganados para sa mga senior citizen.
“Happy Universary! Time flies so fast! Forever grateful for the amazing experience and the doors that lead to new opportunities. Thank you, Universe! ✨🇵🇔 saad nito.
Nabatid na si Ganados ang huling Binibining Pilipinas-Universe, bago magkaroon ng hiwalay na franchise ang Miss Universe Philippines.
Unang kinoronahan bilang Miss Universe Philippines ang half Indian beauty mula Iloilo na si Rabiya Mateo.
Sa ngayon ay wala pang anunsyo ang Miss Universe Organization kung kailan, saang bansa gaganapin, at kung tuloy ang prestihiyosong coronation sa gitna ng pagkakaroon ng coronavirus pandemic.