Dumipensa ang Miss Universe Canada (MUC) Organization kaugnay sa mga isinawalat na hinaing ni Michael Cinco at ng iba pang kapwa nito kilalang Filipino designers.
Ito’y kasunod ng paghingi ng paumanhin ng Miss Universe Canada Organization ngunit pinanindigan na may basehan kung bakit hindi binabayaran ang Filipino designers sa kabila ng kanilang mga disenyo.
Ayon sa organisasyon, kapalit naman kasi ng pagsuot ng mga damit ng designers ng Miss Universe Canada candidate ay ang exposure na kabilang sa napagkasunduan.
Hindi rin daw sila nagko-commit na masusuot ng kandidata ang lahat ng mga damit na ginagawa ng fashion designers, dahil nasa reigning Miss Universe Canada candidate ang desisyon kung ano ang irarampang damit depende sa kagustuhan nito.
“Like any organization in the pageant business, we enter into agreements with designers, in exchange for products we provide exposure and recognition to their brand. We recognize the significant contribution they make, not only with beautiful couture gowns, but also financially with work hours, time and shipping costs that they absorb. We specifically want to apologise to Michael Cinco and Rian Fernandez for any damage these recent incidents have caused to them or to their brand,” bahagi ng MUC statement.
Una rito, bakas ang pagkapikon ng Dubai based designer na si Cinco matapos maakusahan na tila sinabotahe nito ang mga gown ni Miss Canada Nova Stevens sa nagdaang Miss Universe journey nito kaya bigong manalo.
Isa sa mga buwelta ni Cinco ay ‘yaong pinilit daw siya ng team ng 26-year-old Canadian beauty queen na gawing size 23 ang waistline ng gown nito, kahit ang totoo ay size 26 ang bewang nito.
Sa panig ni Nova na minsang na-bully dahil sa kulay ng kanyang balat, naiipit aniya siya sa sitwasyon lalo’t pareho nitong mahal ang kanyang team at si Cinco.
Ka-batch ng Canadian Miss Universe bet ang pambato ng Pilipinas na si Rabiya Mateo.
Gayunman, nakapasok si Rabiya hanggang sa Top 21 habang laglag naman ang Miss Canada.