Aminado ang tourism minister ng Israel na kailangan nila ang Miss Universe pageant kahit pa nataon ang paglitaw ng Omicron na bagong variant ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Ito’y matapos kumpirmahin ni Tourism Minister Yoel Razvozov na binigyan nga nila ng waiver o special permit ang 70th Miss Universe coronation alinsunod sa layunin ni Mayor Eli Lankri na mai-promote ang Eilat bilang nangungunang “international tourist city.”
Ayon sa nasabing tourism official, hindi nila mapapalampas lalo’t nakapag-commit na sila sa napakalaki at mahalagang event gaya ng Miss Universe na ipapalabas sa halos 200 bansa.
Makakaasa naman aniya ang publiko na makakaya nilang i-manage ang prestihiyosong pageant sa gitna ng banta ng Omicron variant ng COVID-19.
“This is an event that will be broadcast in 174 countries, a very important event, an event that Eilat, too, is very much in need of. We will know how to manage this event. So, by using the waivers committee, we will have events like this, to which the country already committed itself and cannot cancel,” saad ni Razvozov.
Nabatid na unang bansa ang Israel na nagpatupad ng travel ban sa mga banyaga pero malayang nakapasok ang nasa 80 kandidata mula sa iba’t ibang bansa bagama’t obligadong sumailalim sa COVID test at quarantine sa kani-kanilang hotel.
Wala naman nabanggit kung natuloy ba ang suhestyon na magpa-PCR test ang mga beauty queen “every 48 hours.”
Kung maaalala, nagpositibo sa COVID-19 si Clémence Botino ng France pagkadating mismo sa Israel kaya sapilitan itong pinag-quarantine sa loob ng 10 araw.
Una nang inihayag ng Israel senior health ministry official na si Sharon Alroy-Preis na bumubuo sila ng safety plan para sa Miss Universe.
Sa darating na December 13, Manila time, ipapasa ni Andrea Meza ng Mexico ang korona sa 70th edition ng Miss Universe na gaganapin sa Red Sea resort ng Eilat, Israel.
Isa sa panel of judges ang Pinay actress na si Marian Rivera.
Pambato ng bansa ang “full blooded Pinay” na si Beatrice Luigi Gomez ng Cebu na tatangkaing masungkit ang pang-limang Miss Universe crown para sa bansa.
Noong nakaraang taon, nagtapos sa Top 21 ang Filipina-Indian na si Rabiya Mateo. (with info from dailymail)