BACOLOD CITY – Labis ang pasasalamat ng Bacoleño fashion designer matapos ipinagmalaki ni Miss Universe Philippines Rabiya Mateo sa gawa nitong modern Barong Tagalong-inspired top.
Sa kanyang Facebook page, ibinahagi ni Chino Christopherson ang modern Barong Tagalog-inspired top na dinisenyo nito para kay Mateo na kanyang pinangalanang “Holy Mother of Pearls” o Perlas ng Silanganan.
Nitong Biyernes, ito ay ibinida ng 24-year-old Ilongga beauty queen at isinuot nang bumiyahe patungo sa Estados Unidos para sa Miss Universe coronation sa susunod na buwan.
Mismong Rabiya ang nagdetalye ng kanyang “OOTD” sa isang Instagram post at pinahayag ang paghanga sa mga Filipino-designed clothes.
Sa kanyang caption, proud siya na maging isang modernong Pilipina sa isip, damdamin, diwa, salita at gawa kasabay ng pagkilala sa gawa ni Christopherson na tinadtad ng mga crystal, sequins at mga perlas.
Paliwanag ng Bacolod City-based fashion designer, ang babaeng nakasuot ng barong ay nagpapakita ng confidence.
Ayon naman kay Marc Rancy ng Quezon City, ang nagdisenyo sa custom-made high waisted trousers ni Rabiya, gusto nilang ma-achieve ang “chic” na look ngunit hindi mawawala ang cultural integrity ng traditional barong.
Si Rabiya ay dumating sa Los Angeles, California noong Abril 10 at makikipagtalbugan sa iba pang Miss Universe candidates sa Mayo 16 sa Florida.