Anim na araw bago 70th Miss Universe coronation, nakarating na sa Israel si Marian Rivera.
Mismong si Marian ang nag-anunsyo na siya ay nakarating na sa naturang Miss Universe host country kung saan kasama nito sa larawan ang asawang si Dingdong Dantes.
Una nang naiulat na isa sa panel of judges ng Miss Universe ang 37-year-old actress, bagay na umani ng pang-aalaska sa kanyang mga kritiko.
Gayunman, iginiit na rin ni Rivera na maaasahan ng mga basher niya na magpapakatotoo siya sa sarili kung saan kikilos at magsasalita siya kung ano ang nararamdaman niya para sa big day ng Miss Universe candidates.
“Kinuha nila ako para sa aking body of work bilang isang Filipina. At ang masasabi ko lang, kilala niyo naman ako. Hindi naman ako mapagpanggap, hindi ba? So, ie-express ko ang sarili ko na naaayon sa nararamdaman ko sa araw na ‘yan,” nakangiting sambit ni Rivera sa virtual media conference.
Isa aniyang karangalan na imbitahan siya mismo ng Miss Universe Organization na idinaan sa pamamagitan ng talent management agency na namamahala sa kanyang showbiz career.
“Siguro ’yung description na magja-judge ako, siguro ang pananaw ko du’n, nandu’n ako para i-appreciate ko at maging saksi sa mga kagandahan ng mga kababaihan sa buong mundo,” dagdag nito. “At siguro, hindi lang ’yung kagandahan nila kung hindi ang katapangan din nila na maibalik ang humanity sa ating mundo sa kabila ng mga pinagdaanan natin. Alam mo ’yun, ’yung radical na pagbabago na ibinigay sa atin ng pandemya na ‘to. So mas ’yun ang nilu-look forward ko, ang makilala at makita silang lahat.”
Kahilera na nito ang mga Filipino celebrities tulad nina Kuh Ledesma, Lea Salonga, at Pia Wurtzbach na naging judge na rin ng Miss Universe.
Kahapon nang bumiyahe si Marian patungo sa Israel at inaasahang dadalo na siya sa preliminary competition at closed-door interviews, bago ang coronation night sa darating na December 13 Manila time.
Pambato ng Pilipinas ay ang 26-year-old “full blooded Pinay” na si Beatrice Luigi Gomez ng Cebu at tatangkain nitong masungkit ang pang-limang Miss Universe crown para sa bansa.
Noong nakaraang taon, nagtapos sa Top 21 ang Filipina-Indian na si Rabiya Mateo.