Life goes on para kay Clémence Botino ng France sa kabila ng kumpirmasyon na tinamaan siya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), dalawang linggo bago ang 70th Miss Universe coronation.
Ayon sa 24-year-old French beauty queen, wala siyang tigil sa pag-iyak nang malaman nito ang resulta ng COVID-19 test sa kanya dahil tila malabo na ang posibilidad na makalahok siya sa prestihiyosong pageant.
Tila nawala raw ang kanyang pagiging matapang lalo’t nasa Israel na siya bilang kinatawan ng France kaya malayo sa kanyang pamilya.
Gayunman, pipilitin daw niya na magpakatatag pa rin kasabay ng paalala sa lahat na huwag magpakampante dahil hindi pa natatapos ang pag-aligid ng virus.
Narito ang ilang bahagi ng kanyang post:
“I have been crying all day. This morning they called me to say that I was positive. I was shocked and sad, it is truly hard.
Even if it is hard, I won’t give up. Life has brought me to Israel and everything is ready. Every situation are supposed to make us stronger.
“Don’t forget to be safe because the virus is still here.”
Nabatid na kabilang ang The Jerusalem Post sa mga media outlet sa Israel na naglabas ng ulat tungkol sa pagdadala kay Botino sa isang government isolation hotel para hindi siya makahawa.
Sa panig ng Miss Universe Organization, fully vaccinated umano si Miss France bago ito bumiyahe at nagpositibo na lamang sa COVID-19 nang dumating sa host country.
Dahil dito, pinayuhan ang kanyang mga nakasalamuhang kandidata na mag-isolate para makatiyak na hindi sila nahawa.
Una nang umapela ng panalangin ang pambato naman ng Pilipinas na si Beatrice Luigi Gomez upang matuloy talaga ang coronation na gaganapin sa Eilat, Israel, sa darating na December 13 Manila time.
Magka-batch sa pagdating sa Israel ang Miss France at Miss Philippines nitong weekend na nasabay pa sa anunsyo ng Israel na bawal muna ang pagpapapasok ng mga dayuhan, maliban sa Miss Universe delegates na sinasabing binigyan ng special permit.
Nag-quarantine muna sa kani-kanilang hotel room sa Jerusalem ang mga kandidata habang hinihintay ang resulta ng COVID test.
Tatangkaing masungkit ng 26-year-old Cebuana beauty ang pang-limang Miss Universe crown ng Pilipinas.
Noong nakaraang taon, nagtapos sa Top 21 ang Miss Universe journey ng Ilongga-Indian na si Rabiya Mateo.