Usap-usapan uli sa social media ang impormasyon na napili maging judge sa 70th Miss Universe ang Pinay actress na si Marian Rivera.
Ito’y matapos mag-post ng kanyang larawan ang 37-year-old actress with matching caption na siya ay “honored” na sinundan ng mga emoji na korona at universe.
Kung sakali, ang misis ni Dingdong Dantes ang pang-apat sa mga Philippine showbiz personality na naimbitahang maging hurado sa Miss Universe.
Nauna ang beteranang singer na si Kuh Ledesma sa 40th Miss Universe noong 1991 sa Las Vegas, pangalawa ang Broadway star na si Lea Salonga sa 60th Miss Universe noong 2011 sa Brazil, at sumunod noong 2017 sa pamamagitan ni Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach sa Las Vegas, Nevada.
Pambato ng Pilipinas ay ang “openly gay” na si Beatrice Luigi Gomez at tatangkaing maibigay ang pang-limang Miss Universe crown sa grand coronation na gaganapin sa Eilat, Israel, sa darating na December 13 Manila time.