-- Advertisements --
Miss Myanmar

Hindi na umano poproblemahin ni Miss Universe Myanmar Thuzar Wint Lwin ang panganib na kakaharapin niya kapag nagbalik siya sa kanilang bansa ngayong tapos na ang Miss Universe.

Batay sa impormasyon, nagkaisa kasi ang mga kababayan niyang nakabase sa Amerika para mananatili siya roon bilang refugee at magtatrabaho bilang isang part-time model sa New York upang makatulong.

Sinasabing dahil sa Burmese community sa Amerika, nabigyan siya ng asylum.

Una nang nagpahayag ang Pinay comedianne na si Pokwang na handa siyang ampunin ang Myanmar beauty at hahandugan ng masasarap na pagkain sa kanyang tahanan.

Nabatid na tinakasan lang pala ng Miss Universe Myanmar ang kanilang custom officials para makarating ng Florida kung saan niya ibinunyag sa coronation night na nasa ilalim ng pamumuno ng militar ang Myanmar mula pa noong February 2021 .

Kung maaalala, ang Miss Myanmar ang ginawaran ng best in national costume para sa inirampang “Fearless Empress” at nakapukaw sa puso ng nakararami ang statement nito na “pray for Myanmar.”

Pinatotohanan din nito na maraming nagaganap na kilos-protesta at mga sibilyan na nagbubuwis ng buhay para mabawi ang demokrasyang inagaw sa kanila.

Tulad ng pambato ng Pilipinas na si Rabiya Mateo, hanggang Top 21 lang din ang Myanmar sa nagdaang 69th Miss Universe coronation.

Samantala, ang kanya namang fellow beauty queen na si Miss Grand International Myanmar Han Lay, ay kinupkop na ng Miss Grand International Organization sa Thailand simula nang sumabak siya sa pageant.

Naging “vocal” din si Han Lay sa social media hinggil sa sitwasyon ng Myanmar (dating Burma) kaya delikado na rin umanong umuwi pa.