-- Advertisements --

Inamin ni Miss Universe Philippines Rabiya Mateo na ginawa na nitong dalawang beses sa isang linggo ang pagsasanay partikular sa question-and-answer portion.

Ito’y kahit pa ang naturang bahagi ng Miss Universe coronation ang kanyang paborito pero nais matiyak na siya ay updated sa mga national issue hindi lang sa Pilipinas, kundi maging sa iba pang bansa.

Ayon sa 24-year-old half Indian beauty na tubong Iloilo, sadyang nasa isip nito ang Top 5 goal.

“I am still practicing, now twice a week kasi papalapit na. Now, I really need to study about the social issues happening in our country and internationally. ‘Yun kasi ‘yung favorite segment ko of the competition kasi para akong nag-aaral. I love to study, I love to learn. Sana talaga makapasok sa top 5 and sana talaga magamit ko ‘yung mga napag-aralan ko these past few months,” saad nito kay Dyan Castillejo.

Kabilang pa sa mga pinapraktis ni Mateo ang kanyang pag-make up sa sarili, gayundin ang “signature walk” para magamay niya ito kapag inirampa na ang swimsuit at evening gown.

Hindi pa naman nitong tinukoy ang itatawag sa kanyang “signature walk,” gayundin ang detalye ng kanyang “mabigat pero sobrang ganda” na gown.

Kung maaalala, laging may mga bansag sa mga rampa ng mga nagiging kinatawan ng Pilipinas sa Miss Universe tulad ng ”pilapil walk” ni Venus Raj, ”tsunami walk” ni Shamcey Supsup,” at cobra walk” ni Janine Tugonon.”

Tinagurian naman bilang “tanim-bala walk” ang kay Pia Wurtzbach na naging pangatlong Pinay Miss Universe noong 2015, at “lava walk” kay Catriona Magnayon Gray na pang-apat na Pinay Miss Universe noong 2018.

Panghuling naging Binibining Pilipinas-Universe ay si Gazini Ganados na inirampa ang “phoenix walk” noong 2019.

Si Rabiya ang kauna-unahang kinoronahan sa ilalim ng hiwalay na Miss Universe Philippines.

Una na itong umapela ng patuloy na suporta sa online voting na susi upang otomatikong makapasok sa Top 21.

Gaganapin ang coronation ng 69th edition ng Miss Universe sa darating na May 16 sa Florida, o May 17 ng umaga (Manila time), kung saan tatangkain ni Rabiya na maibigay ang panglimang korona para sa bansa.

Sa huling coronation bago sumiklab ang pandemya, nasungkit ng bansa sa pamamagitan ni Gazini Ganados ang Top 20 finish sa Miss Universe.