BACOLOD CITY – Masaya ang pamilya ni Miss Universe Philippines Gazini Ganados kahit umabot lang ito sa Top 20 ng 68th coronation sa Atlanta, Georgia, kahapon.
Sa panayam ng Star FM Bacolod kay Ylaya Ganados, pinsan ni Gazini sa Cebu kung saan ito lumaki, sinabi niyang panalo pa rin ito para sa kanila dahil hindi naman basta-basta ang makaabot sa Top 20.
Katunayan ay nakuha pa ng 23-year-old half Palestinian beauty na ipinanganak sa Zamboanga, ang best in national costume.
‘‘Proud kami kay Gazini kasi pasok siya sa Top 20 at masaya kami dahil nanalo tayo ng best in national costume and malaking bagay na po iyon sa amin. For Gazini, mahal na mahal ka namin Jazi Ann,’‘ ani Ylaya.
Dagdag pa nito na handa na silang salubungin ng mahigpit na yakap si Gazini sa pag-uwi nito sa Pilipinas.
Nagpapasalamat din ang pamilya Ganados sa pagmamahal at suporta na natatanggap ng dalaga bilang kinatawan ng Pilipinas sa 2019 Miss Universe.