Dalawang buwan bago ang 69th Miss Universe, nasa mindset na ng pambato ng Pilipinas na si Rabiya Mateo ang kanyang tila magiging “2in1” purpose sa pagtungo sa Amerika na siyang venue ng coronation.
Ayon sa 24-year-old Ilongga beauty, unang bes niyang tutungo sa ibang bansa at pangarap niya talaga sa Amerika kung saan niya alam na naroon ang kanyang ama na isang Indian.
Wala aniya siyang ideya kung buhay pa ba ito pero sa huling pagkakaalam niya ay nagtatrabaho ito bilang doktor sa Chicago.
Panghahawakan ng first ever winner sa hiwalay na franchise ng Miss Universe Philippines, ang pangalan at birthday ng kanyang ama sa paghahanap dito.
At bagama’t curious kung alam man lang ba ng kanyang ama ang kanyang pagiging kinatawan ng Pilipinas sa Miss Universe, hindi nagtanim ng sama ng loob si Rabiya dahil puro mabubuting bagay ang paglalarawan dito ng kanyang ina.
Nabatid na ang kanyang ama ang nagbigay ng pangalang Rabiya na ang ibig sabihin ay queen o princess.
Kung maaalala, maging ang naging huling pambato ng bansa na si Gazini Ganados ay natagpuan ang ama sa kasagsagan lang din ng kanyang Miss Universe journey.
Ang ama ni Ganados ay isang Palestinian.
Sa ngayon ay puspusan ang paghahanda ni Mateo kabilang ang irarampa nito na binansagan bilang “halabira” walk.
Pinakabagong pagsalang nito ay ang pictorial habang suot ang latex swimsuit.
Sa darating na May 17 (Manila time), gaganapin ang Miss Universe sa Hollywood, Florida, kung saan tatangkain ni Rabiya na masungkit ang pang-limang korona.