-- Advertisements --

All set na sa pagbiyahe ngayong buwan patungong Florida, USA, si Miss Universe Philippines Rabiya Mateo.

Rabiya all set

Ayon sa pageant expert na si Jonas Gaffud, makakasama ni Rabiya ang 9-man delegation mula sa bansa at sasadyain na maagang makarating sa Florida upang makapagpahinga pa.

Target din nila na tumalima sa mga kakailanganing health protocols gaya ng isolation bunsod ng coronavirus pandemic.

“That will depend on the flight available. Scheduled to leave next week pero maraming cancelled flights so pwede this weekend or next weekend,” ani Gaffud sa isang panayam.

Wala aniya silang maipapangako maliban lang sa pag-iigihang “perfect aura” ni Mateo upang mangibabaw ang ganda at talino sa mahigit 70 Miss Universe candidates.

“Rabiya can win Miss Universe because of her beauty, simplicity and humility. We will just do our best,” dagdag ni Gaffud.

Samantala, mismong ang 24-year-old half Indian beauty na tubong Iloilo, ang humihikayat lalo sa mga kababayang Pinoy para sa online voting.

Ang mananalo kasi sa nasabing botohan via online ay otomatikong pasok sa Top 21.

Si Rabiya ang unang nagwagi sa hiwalay na franchise ng Miss Universe Philippines.

Maliban sa isang exclusive e-commerce platform, maaari ring makaboto sa app at website ng Miss Universe.

Gaganapin ang coronation ng 69th edition ng Miss Universe sa darating na May 16 sa Florida, o May 17 ng umaga (Manila time).

Sa huling coronation bago sumiklab ang pandemya, nasungkit ng bansa sa pamamagitan ni Gazini Ganados ang Top 20 finish sa Miss Universe.

Sa ngayon ay mayroon nang apat na Miss Universe crown ang Pilipinas.