Nag-sorry ang kampo ni Maureen Wroblewitz sa pagsikreto muna na sumali pala talaga ito sa Miss Universe Philippines ngayong taon.
Unang umugong na interesado siya na mula sa pagiging “Asia’s Next Top” model noong 2017, ay susubok naman siya sa mundo ng beauty pageant, pero ito aniya ay kapag naramdaman niyang 100% na siyang handa.
Ang 22-year-old Filipina-German model ay kabilang sa huling batch na inanunsyo ng Miss Universe Philippines organization kahapon sa Top 100 initial candidates.
Noong nakaraang taon nang tamaan ng “mild but very scary” Coronavirus Disease ang pinakaunang Pinay na tinanghal bilang Asia’s Next Top model.
Kumpirmado na rin ang pagsabak ni Kisses Delavin bagama’t nitong weekend ay tahimik lang ang 22-year-old actress nang lumutang ang pangalan sa nasabing pageant.
Si Delavin ay naging “housemate” sa isang reality show noong 2016, tinanghal na rin bilang Miss Masbate at Miss Kaogma sa parehong taon, at naging Miss Teen Masbate noong 2013.
Maliban kina Maureen at Kisses, makikipatalbugan din ang ilan pang pamilyar na pangalan tulad nina Miss Supranational 2018 first runner-up Katrina Dimaranan, Binibining Cebu 2018 Steffi Aberasturi, at Miss Globe 2019 second runner-up Leren Mae Bautista.
Nariyan din ang “repeater” na si Christelle Abello na ka-batch ni Rabiya Mateo na siyang ang pinakaunang kinoronahan bilang Miss Universe Philippines, o hiwalay nang franchise sa Binibining Pilipinas.
Sasailalim ang mga aspiring beauty queens sa virtual challenges hanggang August 31 kung saan sila sasalain sa Top 75, Top 50 hanggang sa Top 30, bago ang coronation night sa September 25 at siyang magiging kinatawan ng bansa sa Miss Universe.
Noong nakaraang taon ay hanggang sa Top 21 nakaabot si Rabiya kung saan isinisi sa labis na epekto ng social media kaya hindi ito masyadong nakapag-focus.