Magkakahalong emosyon ang nararamdaman ng pambato ng Pilipinas sa 70th Miss Universe na si Beatrice Luigi Gomez, ilang oras bago ang preliminary competition.
Ayon sa Miss Universe Philippines Organization Director for Communications na si Voltaire Tayag, tiwala sila na magniningning si Beatrice sa mga irarampa nitong swimsuit at evening gown.
Ito’y bagama’t kaunti lamang ang pagkakataon na nakakausap nila ang 26-year-old Cebuana beauty dahil abala ito sa kaliwa’t kanang photoshoots.
“She’s so excited for the preliminaries tonight. We all know that she’s gonna shine in the swimsuit and evening gown, and also the national costume. And alam ko mapupuyat kayong lahat because I think it’s gonna be late over there, kasi it’s gonna be at 7 p.m. over here and, hopefully, it starts on time,” ani Tayag sa isang panayam.
Mas mahigpit din aniya ang patakaran ng mga local organizers sa Israel partikular sa pagbisita sa hotel kung saan naroon ang nasa 80 Miss Universe candidates.
“Bea has been really doing well and I say that because she’s been very calm, very chill, and that’s really her strength,” dagdag nito.
Una nang inamin ng “full blooded Pinay” na siya ay kinabahan sa unang beses na pagtapak sa Miss Universe stage para sa kanilang rehearsal.
“Hi, everyone! I’m Beatrice from the Philippines. First time I stepped on this stage, I felt goosebumps and I got so excited for the preliminaries and the finals night,” wika ni Gomez.
Gaganapin ang preliminary competition alas-7:00 ng gabi ng December 10 oras sa Eilat, Israel.
Habang isinusulat ang balitang ito ay sasapit pa lamang ang alas-12:00 ng tanghali ng December 10 sa naturang bansa.
At kung masusunod ang alas-7:00 ng gabi na schedule ng preliminaries, papatak ito bandang ala-1:00 na ng madaling araw ng December 11, Manila time.
Samantala, sa darating naman na Lunes, oras sa Pilipinas, tatangkain ni Beatrice na maibigay sa bansa ang pang-limang Miss Universe crown.