Nagsisilbi umanong motivation ni Rabiya Mateo sa kanyang Miss Universe stint ang suporta ng mga kababayang Pinoy.
Ito’y kasabay ng pangunguna ng 24-year-old half Indian beauty na tubong Iloilo, sa online poll ng Miss Universe 2020 sa bansa.
Nagsimula ang online voting sa official e-commerce (Lazada) at voting platform ng Miss Universe, nitong April 8 at matatapos sa darating na May 15.
Sa pagkumpirma umano ng kinatawan ng Lazada sa pep, ang pambato ng Pilipinas ang mayroong pinakamataas na boto hanggang kahapon, April 27.
Sumunod sa kanya ang mga kandidata ng Vietnam, Indonesia, Thailand, at Malaysia.
Hindi pa naman kabilang sa isinapublikong detalye sa online voting ang resulta, na base naman sa app mismo ng prestihiyosong pageant.
Una nang naiulat na ang mananalo kasi sa nasabing botohan via online ay otomatikong pasok sa Top 21.
Gaganapin ang coronation ng 69th edition ng Miss Universe sa darating na May 16 sa Florida, o May 17 ng umaga (Manila time), kung saan tatangkain ni Rabiya na masungkit ang panglimang korona para sa bansa.
Sa huling coronation bago sumiklab ang pandemya, nasungkit ng bansa sa pamamagitan ni Gazini Ganados ang Top 20 finish sa Miss Universe.