Apat na araw bago ang coronation ng 69th Miss Universe, nasa final leg na ng kanilang rehearsals ang nasa 75 candidates ng prestihoyosong pageant sa Seminole Hard Rock & Casino sa Hollywood, Florida.
Tulad na lamang ng pambato ng Pilipinas na si Rabiya Mateo na ikinagulat ang pagkakapili sa kanya na sumayaw sa bandang unahan para sa opening number ng Miss Universe 2020.
Ayon sa 24-year-old half Indian beauty na tubong Iloilo, ginalingan talaga nito ang pagsayaw na tila bida-bida sa klase para mapansin ng choreographer.
“Hindi nga ako dancer pero ginalingan ko talaga (para may laban tayo). Parang, gets mo ‘yun, ‘yung classroom na bida-bida, parang feeling ko ako ‘yun,” saad nito sa panayam ni 2014 Binibining Pilipinas-Universe Mary Jean Lastimosa.
Apat ang kantang gagamitin para sa opening number ng mga kandidata kaya apat na beses ding hahataw si Rabiya.
Bukas, May 14- Manila time, itinakda ang showdown ng Miss Universe candidates sa National Costume show.
Irarampa ni Rabiya ang aniya’y “sexy, very unique but heavy” na national costume at magpapakita rin siya ng “some skin, (but) not too much skin.”
Sa darating naman na Sabado, ang preliminaries, habang sa May 17 ng umaga oras pa rin sa Pilipinas, tatangkain ni Rabiya na maibigay sa bansa ang pang-limang Miss Universe crown.