Mula sa dalawang taon, napababa na lamang sa anim na linggo o mahigit isang buwan na pagkabilanggo ang naging hatol ng korte laban sa isang finalist ng Miss Universe Singapore 2017.
Kinilala ang akusado na si Ashley Rita Wong Kai Lin, 27-year-old e-gaming commentator, na una nang naghain ng guilty plea para sa apat na kaso sa ilalim ng Computer Misuse and Cybersecurity Act.
Ugat ng kaso ay ang paggamit ng dating aspiring beauty queen sa credit card ng ilan niyang kaibigan at nilustay partikular sa pag-online shopping.
Dalawang kaibigan nito ang unang nabiktima noong 2016 matapos niyang na-memorize ang debit card details gaya ng 10 digits, expiry date, at ang “CVC” number.
Kabilang sa mga nilustay nito ay ang iba’t ibang ticket na nagkakahalaga ng S$304, Lazada purchases worth S$230, S$196 mula sa online fashion store, at S$264 na staycation sa hotel.
Paliwanag ng akusado, posibleng ang kanyang depresyon mula sa break-up nila ng boyfriend ang nag-udyok sa kanya para pagnakawan ang mga kaibigan.