Nakarating na sa host country na Israel ang pambato ng Pilipinas sa 70th Miss Universe na si Beatrice Luigi Gomez.
Kahapon nang bumiyahe ang 26-year-old Cebuana beauty lulan ng Turkish airlines kung saan panay ang pagbibigay niya ng update mula sa business class seat ng eroplano, dinner at breakfast time.
Kasama ni Bea Gomez sa paliparan ng Tel Aviv, Israel, ang Miss Universe Philippines creative director na si Jonas Gaffud Jonas Gaffud at si Voltaire Tayag. May kuha rin ito na kasama si Miss Cambodia.
Mula naman sa kanyang outfit sa biyahe kung saan siya ay naka-high heels, nagpalit ito ng boots para sa kanyang arrival look.
Ang pagdating ni Bea sa Israel ay sa gitna ng pagbawal ng naturang bansa sa pagpasok ng mga banyaga mula sa iba’t ibang bansa dahil sa banta ng bagong Omicron variant ng COVID-19 (Coronavirus Disease 2019)
Si Gomez ay isa ring model, atleta partikular ang pagiging volleyball player, Philippine Navy reservist, cat lover, at proud member of the “LGBTQIA+” community.
Tatangkain niyang masungkit ang pang-limang Miss Universe crown para sa Pilipinas.
Noong nakaraang taon, nagtapos sa Top 21 ang Miss Universe journey ng Ilongga-Indian na si Rabiya Mateo.
Gaganapin ang Miss Universe ngayong taon sa Eilat, Israel, sa darating na December 13, Manila time.