ILOILO CITY- Matapang na sinagot ng Ilongga na si Rabiya Mateo ang mga binabatong isyu sa kanya matapos kinoronahang Miss Universe Philippines 2020.
Si Rabiya ay tubong Balasan Iloilo, 23, at nagtapos sa kursong Bachelor of Science in Physical Therapy at Valedictorian sa buong batch ng Iloilo Doctors College.
Kabilang sa mga isyung sinagot nito ay ang pag-bash sa kanya, question and answer portion sa pageant at maging ang kanyang lovelife.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Rabiya, sinabi nito na maging siya ang hindi rin makapaniwala na natalo niya ang mga batikang beauty queen.
Inamin ni Rabiya na nalulungkot rin siya dahil sa unang araw pa lang ng kanyang reign ay binato na siya ng mga isyu.
Ngunit sa kabila nito, minabuti ng 23 anyos na beauty queen na magwalang kibo na lang at makinig sa mga taong naniniwala sa kanya.
Samantala, nilinaw ni Rabiya na hindi totoo ang mga akusasyon na ibinigay na sa kanya ang mga tanong sa pageant.
Ayon kay Rabiya, isa sa mga tanong sa kanya sa Top 5 ay kung sino ang gusto nitong ilagay sa paper currency at napili niya agad ang yumaong si Senador Miriam Defensor-Santiago na isa ring Ilongga dahil bago pa man anya ang pageant nanood na siya ng documentary patungkol sa buhay nito.
Sa katunayan anya, tinatawag pa siyang Little Miriam Defensor-Santiago ng kanyang mga kakalse dahil mahilig siyang magdebate.
Samantala, sinagot rin ng Ilongga beauty queen ang mga nagtatanong kung may nagpapatibok na ba ng kanyang puso.
Ayon kay Rabiya, anim na taon na sila ng kanyang boyfriend na isang nurse at tubong Sta. Barbara, Iloilo.
Pinasalamatan rin ng beauty queen ang kanyang kasintahan na umiintindi sa kanya sa kabila ng abalang schedule.
Nilinaw rin nito na hindi magbabago ang pagtingin nila sa isa’t-isa ng kanyang kasintahan kahit na isa na siyang beauty queen.