Mas lalo pang umiinit ang usap-usapan na muling pagdaraos ng 2019 Miss Universe sa Pilipinas.
Ito’y kasunod ng pagkalat ng litrato ni Miss Universe Organization (MUO) President Paula Shugart na dumating sa bansa para raw bisitahin ang Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Sa Instagram post ng tourisim advocate na si Renan Teodoro Eusebio, kasama niya sa litrato si Shugart at Miss Universe Philippines creative consultant na si Jonas Gaffud na bumisita sa isa sa pinakamalaking indoor arena sa bansa.
Sinasabing nakipagpulong din si Shugart sa businessman na si RS Francisco na isa sa sumusuporta sa mga charity works ng MUO.
Una rito, sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay dating Ilocos Sur Gov. Chavit Singson, sinabit nito na kabilang ang United Arab Emirates at South Korea sa mga nagtutunggalian para sa Miss Universe 2019 hosting.
Maging ang Pilipinas aniya ay nagbabakasakali rin daw sa muling pagho-host ng pageant pero aminado ito na malaking sponsorship ang kailangan ng bansa para muling hawakan ang coronation ngayong taon.
Taong 2016 nang huling idaos sa Pilipinas ang Miss Universe kung saan ipinasa ni 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach ang titulo kay Iris Iris Mittenaere ng France.
Pambato naman ng bansa sa kasalukuyan ay ang ang Fil-Palestinian model na si Gazini Ganados na tubong Zamboanga pero lumaki sa Cebu.