“Meet and greet” sa mga kapwa kandidata ang pinagka-abalahan ng pambato ng Pilipinas sa Miss World 2021 na si Tracy Maureen Perez.
Kahapon nang balik muli ang 28-year-old Cebuana beauty sa Puerto Rico na siyang host country ng 70th Miss World na bahagi pa rin ng naunsyaming coronation noong nakaraang taon dahil sa pandemya.
Sa post ng model/industrial engineer, ipinakita nito ang negative result ng kanyang anti-gen test gayundin ang bonding moments sa mga makakatunggali na mula pa sa iba’t ibang bansa.
Nariyan din ang pagpapakita ng kanyang tila magiging pasarela walk sa Miss World stage.
Una nang umapela ng dasal si Tracy sa mga kababayang Pinoy na maibigay sa bansa ang pangalawang Miss World crown, na unang nasungkit ni Megan Young noon pang 2013.
Nabatid na 30 oras ang iginugol ni Tracy sa eroplano bago nakarating sa Puerto Rico at sa darating na Huwebes, March 17, ang coronation ng Miss World 2021.