-- Advertisements --

Tiniyak ng Miss World Philippines Organization na nagdodoble ingat pa rin ang ating pambato na si Tracy Maureen Perez kahit pa ito ay negatibo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

miss world philippines 2021 tracy maureen perez 2 1633325575674
Tracy Maureen Perez

Ayon sa national director ng nasabing organisasyon na si Arnold Vegafria, nananatili ang focus ng Cebuana beauty para masungkit ang pangalawang Miss World crown.

Unang nagkaroon ng Miss World crown ang Pilipinas noong 2013 sa pamamagitan ni Megan Young.

Nabatid na isa si Maureen sa “frontrunner” o napipisil manalo ng global pageant observers. Katunayan ay pasok na siya sa Top 30 ng Miss World at Top 5 ng Beauty with a Purpose challenge.

Una nang ipinagpaliban ng pamunuan ng Miss World sa susunod na tatlong buwan ang coronation na dapat sana ay ngayong December 17, oras sa Pilipinas, bunsod ng biglang outbreak ng COVID-19 sa Puerto Rico.

Hindi naman tinukoy ng Miss World kung ilan sa Miss World candidates at staff ang tinamaan ng COVID-19.

Pero may mga nakaraang report na isa rito si Carla Yules ng Indonesia.

Muling nag-post ng Bible verse si Carla na patungkol sa pananampalataya kaysa mawalan ng pag-asa.

“Never lose HOPE,” caption nito.