Nagsagawa ng shadowing ang missile ship ng China sa barko ng Pilipinas habang nagsasagawa ng maritime patrols malapit sa First Thomas Shoal o Bulig Shoal sa West Philippine Sea noong nakalipas na linggo.
Ito naman ang unang pagkakataon na isang missile ship ng China ang nagsagawa ng shadowing sa civilian vessel ng PH.
Nangyari ang insidente habang patungo ang BRP Datu Romapenet ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Hasa-Hasa shoal noong Biyernes, Setyembre 27 para maghatid ng tulong at ibang food supplies para sa mga mangingisdang Pilipino na nasa lugar.
Maliban sa shadowing, tinutukan din ng missile ship ng China ang eroplano ng BFAR ng 3 beses habang nagsasagawa ng maritime patrols kasama ang civilian ship ng PH.
Ayon naman sa non-profit military association na US Naval Institue, kapansin-pansin ang naturang Houbei-class guided-missile craft mula sa People’s Liberation Army (PLAN) dahil sa blue camouflage paint scheme nito.
Sinabi din nito na kayang magsakay ng naturang Chinese missile ship ng hanggang 12 crew members at 8 anti-ship cruise missiles.
Sa panig naman ng National Maritime Council ng Pilipinas, sinabi ni spokesperson USec. Alexander Lopez na ilegal ang presensiya ng Chinese missile ship sa naturang karagatan.
Saad pa ng opisyal na bagamat ito ang unang pagkakataon na hinabol ng Chinese missile ship ang civilian vessel ng PH, namataan na rin ito dati sa WPS.
Sa kabila naman nito, sinabi ni USec. Lopez na hindi gagamitin ng China ang missile laban sa civilian vessel kundi para takutin lamang ito subalit ipinunto din ng opisyal na walang karapatan ang China na maghabol at i-intimidate ang barko ng PH.
Samantala, sa hiwalay na insidente noong hapon ng Sabado, hinabol ng Chinese helicopter at nilapitan ang BRP Datu Ronapenet habang nagsasagawa ng resupply mission para sa mga mangingisda. Nangyari ang insidente 1 nautical miles ng southwest ng Bombay shoal, malapit sa Sabina shoal.
Ilang oras ang nakalipas, muling nagpakita ang Chinese chopper at lumapit ng nasa 20 meters mula sa civilian ship ng BFAR. Sa pagkakataong ito, nangyari ang insidente sa 113 nautical miles ng southwest ng Mischief reef at 55 nautical miles mula sa mainland Palawan.
Kaugnay ng mga insidenteng ito, sinabi ni USec. Lopez na kanilang dadalhin ang makakalap na reports sa Department of Foreign Affairs, saka gagawa ng kaukulang hakbang ang ahensiya kaugnay sa naturang mga insidente sa WPS.