(Update) BUTUAN CITY – Kinumpirma ni Staff Sgt. Dennis Perez, ng Philippine Coast Guard sa bayan ng Loreto, Dinagat Islands sa lalawigan sa Surigao del Norte na matagumpay na nailigtas ang dalawang mga Australian nationals at tatlong mga Pinoy na una nang na-missing sa karagatang sakop ng Southern Leyte at Dinagat Islands.
Kinilala ng opisyal ang mga nailigtas na sina Grayham David Hasting at Donald Cox, parehong 60-anyos at ang mga Pinoy na sina Jay-ar Adanza, 19; Secerio Adanza, 40, at ang operator sa motorbanca na kanilang sinakyan na si Michael Samatima, parehong taga-Brgy. Tahusan, sa bayan ng Hinunangan, Southern Leyte.
Ayon kay Perez, patungo sana sa Dinagat Islands ang mga biktima upang mangisda ngunit pagsapit nila sa karagatan sa pagitan ng Hinundayan, Southern Leyte at ng Loreto, Dinagat Island, ay hinampas sila ng naglalakihang alon na hatid ng bagyong Egay na naging sanhi ng kanilang pagtaob.
Mabilis namang inilunsad ang pinagsanib na search and rescue operation ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard ng dalawang lalawigan at dito na nila matagumpay na naligtas ang mga biktima sa karagatan sa bayan ng Silago, Southern Leyte at ngayo’y nakabalik na sa kanilang tahanan matapos sumailalim sa medical examination.