-- Advertisements --

Natukoy na umano ng Philippine Coast Guard (PCG) ang dalawa pang pasahero na unang napaulat na missing matapos na masunog ang roll-on-roll-off (Ro-Ro) vessel na MV Asia Philippines bago pa man makadaong sa pantalan ng Batangas.

Kinumpirma ng joint team ng BFP, PNP, at Special Operations Unit ng Southern Tagalog na sama-samang nag-inspection sa nasunog na barko na ang dalawang missing na mga pasahero ay sumakay kahapon sa ibang barko dakong alas-5:00 at hindi sa alas-3:00 na biyahe ng MV Asia Philippines.

MV ASIA RORO PCG

Sinabi naman sa Bombo Radyo ni Commodore Armand Balilo, spokesman ng PCG, lumutang ang isyu sa missing passenger ay matapos na ipagkumpara nila ang manifesto ng barko doon naman sa mga nailigtas ng kanilang mga personahe sa area.

Sa interview naman ng Bombo Radyo kay Capt. Vic Acosta, station commander, ng Philippine Coast Guard-Batangas, na kabilang sa team na sumampa sa nasunog na barko upang ipagpatuloy ang search operations at inspection, nilinaw nito na all-accounted na ang lahat ng mga sakay ng barko.

Ibig sabihin na-rescue lahat ang 47 pasahero at 38 crews ng MV Asia Philippines.

“Merong 70 percent siguro o 70% to 60% siguro,” pagtaya pa ni Capt. Acosta ukol sa extent ng damage ng barko.

Kaugnay naman sa rolling cargoes na sakay din ng barko, lahat daw ng 16 sa mga ito ay intact at walang damage.

Sa ngayon hindi pa matukoy ng mga imbestigador ang pinagmulan ng sunog pero meron daw nakakita na unang nag-aapoy ang exhaust ng barko.

Sinasabi pa na kayang magkarga ng halos 500 mga indibidwal ang barko.

Matagal na rin itong ginagamit sa Pilipinas at noong taong 1975 ginawa ito at nagmula sa bansang Japan.

Samantala, napag-alaman din mula sa initial assessment ng joint team na walang anumang traces ng oil spill sa lugar maging ang tinatawag na oil sheens sa bisinidad ng katubigan kung saan nandoon ang MV Asia Philippines.

Nang mangyari kasi ang sunog may laman na humigit-kumulang sa 16,000 na litro ng automotive diesel oil ang fuel tank ang Ro-Ro ship.

Samantala, sinuspinde na rin ng PCG ang lisensiya ng naturang barko.

“Kung merong mga querries ang mga kaanak, mga mahal sa buhay, mangyari makipag-ugnayan na lamang sa Philippine Coast Guard dito po sa Batangas. Pakibigay na lamang ng mga pangalan ng inyong mahal sa buhay,” mensahe ni Capt. Acosta doon sa mga kamag-anak ng mga pasahero. “Irereport na lamang namin ‘yan sa shipping. Right now po, para doon nila ibigay yong pangangailangan ng mga passengers at crew members.”