LEGAZPI CITY – Nabawi na ng mga otoridad ang nawawalang antigong kampana ng simbahan sa isla ng Rapu-Rapu matapos itong makuha mula sa isang babae sa baybayin ng Barangay Dap-Dap, Legazpi City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Lt/Col. Aldwin Gamboa, hepe ng Legazpi City PNP, nakatanggap umano ng tawag ang PNP mula sa bantay ng Legazpi Fish Port dahil sa kahina-hinalang galaw ng isang babae na sakay ng bangka at bitbit ang isang kampana na nababalot ng sako.
Kinilala ang babae na si Elna Cañada Balbin, 50, na residente ng Barangay Poblacion, Rapu-Rapu.
Subalit nang imbestigahan ng mga otoridad ang dala ng babae, nakumpirma na ito pala ang nawawalang antigong kampana ng Rapu-Rapu na may bigat na halos 10 kilo, nasa 13 inches ang diameter at may marka pang “Donated by Sta Florentina.”
Samantala, nanindigan naman ang babae na ibinigay lamang umano sa kanya ng isang sakristan ang kampana subalit pursigido ang mga pulis na sampahan ito ng kasong qualified theft.