KORONADAL CITY – Nagpapatuloy pa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad matapos na matagpuan na duguan sa plantasyon ng pinya sa Tupi, South Cotabato ang nawawalang OIC manager ng Kabus Padatuon (KAPA) Community Ministry International Inc sa Alabel, Saranggani province.
Kinilala ang biktima na si Remely Jombitado Iral, 42, residente ng lungsod ng General Santos.
Ayon kay Jay Malida, guwardiya ng Tupi Municipal Hospital, duguan at maraming saksak sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan si Iral nang dinala sa pagamutan kaninang umaga.
Nakita umano ang biktima ng mga residente ng Barangay Kablon na walang malay sa taniman ng mga pinya sa nasabing bayan.
Dahil sa maraming saksak na natamo nito, ini-refer is Iral sa South Cotabato Provincial Hospital ngunit kalaunan ay ipinalipat na rin ng kanyang mga kamag-anak sa pribadong ospital.
Mahigpit na seguridad naman ang ginagawa ngayon sa biktima matapos na maiulat na mga armadong kalalakihan ang dumukot sa kanya.
Una nang nawala si Iral noong Enero 23 kasabay ng pagbaril-patay ng riding in tandem suspeks sa driver nito na si Bresnev Morada sa lungsod ng General Santos.