BAGUIO CITY – Patuloy na pinaghahanap ang nawawalang bise alkalde ng Tinoc, Ifugao matapos itong mawala noong Biyernes, Hulyo 19 sa bayan ng Benguet.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Master Sergeant Allan Andrade, hepe ng Tinoc Municipal Police Station, sinabi niya na nagtungo si Vice Mayor Fernando Gapuz sa Abatan, Bugias, Benguet para sa official business.
Sumakay umano ang bise alkalde bandang alas-7:00 ng umaga noong Hulyo 19 sa isang pampasaherong bus at bumaba sa Abatan, Buguias ngunit hindi na ito nakita mula noon hanggang ngayon.
Agad na nakipagtulungan ang Tinoc PNP sa lokal na pamahalaan at sa kapulisan ng Abatan, Buguias at nakita sa video footage ng CCTV camera na pumunta si Gapuz sa direksiyon patungo ng Mankayan, Benguet.
Huling nakita si Gapuz na nakasuot ng brown leather jacket, green polo shirt, brown slip-on sandal, dark yellow shawl at brown pants.
Si Gapuz ay may taas na 5’5″ at may katamtaman laki ng pangangatawan.
Umaapela rin ang Tinoc PNP sa publiko na ipagbigay-alam sa kanilang himpilan ang anomang impormasyon para mahanap ang nawawalang bise alkalde.