-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Naulila ang 7 mga anak ng mag-asawang Kuyan sa bayan ng Lake Sebu, South Cotabato matapos na brutal na pinatay ng Padre de pamilya ang kanyang sariling Misis.

Kinilala ang biktima na si Marina Klading Kuyan, nasa legal na edad habang ang suspek ay asawa nitong si Julie Kabansil Kuyan alyas β€œLi”, 44 anyos at kapwa residente ng Sitio Kabalig, Barangay Klubi sa nabanggit na bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Police Lt. Col Joven Bagaygay, hepe ng Lake Sebu PNP, sobrang selos ang dahilan kung bakit pinatay ng mister ang kaniyang misis.

Ayon kay Col. Bagaygay, lumbas sa kanilang imbestigasyon na habang kumakain ng tanghalian ang biktima at ang kamag-anak nitong si Barangay Kagawad Chita Falan Sulan ay biglang dumating ang supek at tinawag ang biktima.

Nang lumapit ang biktima ay walang habas na inundayan ng saksak sa ibat-ibang bahagi ng kanyang katawan at hindi pa nakuntento pinugutan niya pa ng ulo.

Agad na tumakas ang suspek matapos gawin ang krimen ngunit hindi rin ito nakalayo dahil makalipas ang mahigit isang oras ay sumuko ito sa rumespondeng mga pulis kasama ang mga barangay officials at maging ang Special Forces 10th Company 5th Batallion.

Dagdag pa ng opisyal nagawa rin umano ng suspek ang krimen dahil sa may dinaranas itong sakit sa pag-iisip na hindi na naipagamot dahil sa kahirapan sa buhay.
Napag-alaman na pangalawang asawa na nang suspek ang biktima dahil una na ring namatay ang unang asawa nito na kapatid lamang ng biktima.
Sa ngayon tulala ang suspek na nakakulong na sa lock up cell ng Lake Sebu PNP at nakatakdang sampahan ng kaso.
Kaugnay nito, nanawagan naman ang opisyal sa mga mag-asawa na sakaling may problema ay pag-usapan upang hindi na humantong sa krimen.