-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nasa kustodiya na ngayon ng mga otoridad ang isang mister matapos na maaresto sa pananaksak sa kanyang sariling misis sa bayan ng Banga, South Cotabato.

Ito ang kinumpirma ni Police Major Joseph Forro, hepe ng Banga PNP sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Kinilala ang suspek na si Ramon Tambon, 40-anyos at residente ng Tampakan, South Cotabato habang ang misis nitong sugatan ay si Lorna Linulon, 22 anyos.

Ayon kay Major Forro, dahil sa sobrang selos ng mister kung kaya’t nasaksak nito sa likod ang biktima.

Nagkaroon pa ng mainit na pagtatalo ang suspek at biktima bago nito sinaksak ang sariling misis.

Pagkatapos nito ay agad naman sana umanong tatakas ang suspek dala ang kanilag 6-anyos na anak na ginawa pa nitong hostage nang dumating ang mga rumespondeng BPAT’s at kapulisan.
Napag-alaman na lasing ang suspek kaya’t nagawa nito ang krimen.

Ilang buwan na umanong hindi umuwi sa kanilang bahay ang biktima kaya’t nagalit rin ang suspek at pinag-isipan ng masama ang misis.

Sa ngayon ay ginagamot na sa South Cotabato Provincial Hospital ang biktima.