BUTUAN CITY – May dalawa ng persons of interest ngayon sa naganap na masaker sa Sitio Gapas-Gapas Brgy. San Pedro, Cantilan, Surigao del Sur na ikinamatay ng apat na miyembro ng pamilya Ravelo.
Nakilala ang mga biktimang sina Rogelio “Jocjoc” Ravelo Jr, dating overseas Filipino worker (OFW), asawa nitong si Alfonsita Roales Ravelo, isang elementary school teacher at dalawa nilang mga anak na sina RJ Ravelo, 9 at CJ Ravelo, 3.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan inihayag ni San Pedro Brgy. Captain Marcolito Ata na hanggang sa ngayo’y wala pa silang matumbok na totoong may kagagawan ng krimen.
Ito’y dahil maliban sa kapatid ni Alfonsita na si Alex Roales na una nang pinagdududahang may kagagawan sa krimen dahil sa away umano sa utang at lupa, ang isa pang pinaniniwalaan nilang may kagagawan nito ay ang mismong mister na si Jocjoc bago nagpakamatay.
Ayon kay Kapitan Ata, pinapauwi si Jocjoc mula sa kanyang trabaho sa Middle East matapos umanong mapansin ng kanyang amo ang kakaiba nitong kilos at problema sa pag-iisip.
Ilang beses na rin itong napansin ng mga kapitbahay na nagsasalita ng hindi maganda at palaging tulala.
Maliban dito’y humingi rin umano ng pa-umanhin ang suspek sa kanyang amang si Rogelio Ravelo Sr. bago naganap ang naturang krimen.
Napag-alamang nagtamo ng tig-aapat na saksak sa dibdib ang mga batang magkapatid habang ang kanilang ina ay may mga saksak sa kamay na senyales na nanlaban pa ito sa suspek.
Narekober ng pulisya ang kitchen knife na siyang crime weapon sa gilid ng bangkay ni Jocjoc.
Maliban sa nagkagulong mga gamit sa kusina, wala silang nakitang ebidensiyang puwersadong pinasok ang bahay kung kaya’t patuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad.